Pagkakalooban ng heroes wellcome sa kanyang pag-uwi si 2017 Miss Tourism Philippines Universe Julie Anne Tricia Manalo
CAUAYAN CITY – Bibigyan ng heroes welcome sa kanyang pag-uwi sa Bayombong, Nueva Vizcaya si Bb. Julie Anne Tricia Manalo na tinanghal na Miss Tourism Philippines Universe sa katatapos na Miss Tourism Philippines 2017.
Si Bb. Manalo ay residente ng Salvacion, Bayombong, Nueva Vizcaya at nagtapos ng Bachelor of Science in Tourism Management sa Saint Mary’s University o SMU sa bayan ng Bayombong.
Siya ay lumahok noong nakaraang taon sa search for Miss Bayombong ngunit hindi pinalad na makamit ang titulo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya na natutuwa sila at labis na ipinagmamalaki ang tagumpay na nakamit ni Bb. Manalo.
Muli aniyang naipakita ng mga Novo Vizcayano ang kanilang kakayahan sa mga patimpalak pagandahan.
Matatandaan noong 2015 ay tinanghal na Miss World Philippines ang isa pang Novo Vizcayano na si Bb. Hillarie Danielle Parungao ng Solano, Nueva Vizcaya.
Ayon kay Gov. Padilla, inatasan niya si Provincial Tourism Officer Jane Costales na magbigay sa kanyang tanggapan ng rekomendasyon hinggil sa nararapat na reception kay Bb. Manalo sa kanyang pag-uwi sa ikaapat ng Agosto para dumalo sa kapistahan ng Bayombong.
Susunod na paghahandaan ni Bb. Manalo ang paglahok sa Miss Tourism Universe pageant na gaganapin sa bansang Lebanon ngayong taon.




