--Ads--

CAUAYAN CITY – Iniimbestigahan na ng labor attache sa Riyadh, Saudi Arabia kung may foul play ang pagkamatay ng isang Overseas Filipino Worker (Ofw).

Duda ang mga kamag-anak ng Ofw na si Elmer Cortez, 34 anyos at residente ng Nungnungan I, Cauayan City sa ipinabatid sa kanila na nagbigti-patay ang Ofw dahil ang nakita nila sa larawan na ipinadala sa kanila ay nakaupo si Elmer at hindi nakabigti.

Bago ito ay nakausap pa nila si Elmer at sinabing maayos naman ang kanyang kalagayan bagamat iniinda niya ang pananakit ng kanyang tiyan.

Una rito ay dumulog sa Bombo Radyo Cauayan si Ginang Clarita Cortez para humingi ng tulong kay Kalihim Silvestre Bello III ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang alaman ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Elmer at maiuwi ang kanyang bangkay para mabigyan ng disenteng libing sa kanilang lugar.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Labor Secretary Bello, sinabi niya na natagpuan ang bangkay ni Elmer sa bahay ng kanyang employer.

Isasailalim ang bangkay sa awtopsiya at inaayos na rin ang mga papeles para maiuwi sa Pilipinas.

Tiniyak ni Kalihim na may mananagot sakaling may foul play sa pagkamatay ni Elmer Cortez sa Riyadh, Saudi Arabia.