Umalma ang mga jeepney driver sa Lungsod ng Cauayan kasunod ng pagkansela ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa inaasahang dagdag-pasahe na sana ay makakatulong sa kanilang kabuhayan, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Christian Francis Ng, jeepney driver, sinabi niya na sa pitong taon niyang pamamasada ay ngayon lamang nila naranasan ang ganitong hirap, kung saan halos hindi na sapat ang kanilang kinikita upang matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya.
Ibinahagi niya na sa isang araw, tatlong beses silang bumibiyahe at kasabay nito, tatlong beses rin silang nagpapa-gas ng diesel. Sa bawat pagpapa-gas, umaabot umano sa humigit-kumulang ₱1,600 ang kanilang nagagastos. Dahil dito, tinatayang nasa ₱200 na lamang ang natitira sa kanilang kita sa buong araw—halagang hindi na sapat para sa pagkain at iba pang pang-araw-araw na gastusin.
Ayon pa kay Ginoong Ng, lalo pang bumigat ang kanilang sitwasyon sa pagkansela ng inaasahang dagdag-pasahe, na sana ay pansamantalang makapagbigay ng ginhawa sa mga tsuper na matagal nang umaaray sa taas ng presyo ng langis.






