
CAUAYAN CITY – Hindi ramdam sa Mexico ang pagkapanalo ni Miss Mexico Andrea Meza sa Miss Universe 2020.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Bombo International News Correspondent Metchilyn Lantaca na kabaliktaran sa Pilipinas ang Mexico kung may mga patimpalak pagandahan.
Aniya, kahapon ay may nakasabay ang coronation night ng Miss Universe 2020 na isang soccer game sa naturang bansa na nasa quarterfinals na at mas sinuportahan pa ito ng mga mamamayan.
Alam aniya nila na kahapon ang coronation night ng Miss Universe 2020 pero mas pinagtuunan nila ng pansin ang naturang laro.
Dagdag niya na maging ang kanyang asawa at mga kaibigan ay hindi rin niya nakitang pinagkaguluhan sa social media ang naturang beauty pageants.
Gayunman, kung hindi aniya nagkasabay ang dalawang event ay maaring marami rin ang nanood sa Miss Universe 2020.
Tiwala naman siya na maghahanda pa rin ang pamahalaan ng Mexico para sa pag-uwi ni Meza.
Magugunitang si Andrea Meza ang ikatlong nakapag-uwi ng korona sa Mexico at ang pinakahuli ay noon pang taong 2010.
Samantala, naniniwala si Lantaca na kabilang sa magiging adbokasiya ni Meza ay labanan ang Violence Against Women and Children sa Mexico para mabigyan ng boses ang mga kababaihan.
Sa Mexico aniya ay napakahirap ang maging babae dahil lagi silang naaabuso at araw-araw ay may napapatay o di kaya ay may nagagahasa.










