CAUAYAN CITY – Nawalan ng preno ang mini-dumptruck na naglalaman ng mga modules na naaksidente sa sitio Surong, Guinaang, Conner, Apayao na ikinasawi ng dalawang tao kabilang ang isang principal.
Ang mga nasawi ay si Principal Onesto Ruma Manicap ng Karikitan Elementary School at Jomill Wan-isan Asusena.
Ang tsuper ng sasakyan na si Kenimar Asusena Berano ay naka-confine pa rin sa ospital habang sina Joseph Tubag at Andres Bayawa Jr. na kapwa kawani ng pamahalaang lokal ng Conner ay nakauwi na sa kanilang bahay matapos lapatan ng lunas sa ospital.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMaj James Bauding, Police Community Relations Officer ng Apayao Police Provincial Office (APPPO) na galing sa Luna, Apayao ang mini dumptruck na minaneho ni Berano sakay ang mga biktima at mga modules na dadalhin sa isang paraalan sa Conner nang mawalan ng preno.
Tinatahak ng mini-dumptruck ang Kabugao-Conner Apayao Road at nang malapit na sa LGU Conner ay naganap ang aksidente sa pababang daan.
Ibinangga ng tsuper sa gilid ng bundok ang sasakyan ngunit naging dahilan para ito ay bumaliktad.
Agad sinaklolohan ng mga residente ang mga biktima at dinala sa pagamutan sina Jomill Wan-isan Asusena at Principal Onesto Ruma Manicap ngunit binawian sila ng buhay habang nilalapatan ng lunas.