CAUAYAN CITY- Paiimbestigahan ng konseho ang mga water refilling station sa lungsod ng Cauayan na kumukuha ng tubig sa deep well para ipang negosyo.
Natalakay ang naturang usapin sa ginanap na regular session ng konseho at napag-alaman na ang isyung ito ay alinsunod sa ibinabang batas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kung saan pinagbabawalan na ang mga water refilling station na gumamit ng deep well para sa kanilang negosyo.
Hindi kasi pinahihintulutan ang mamamayan na mag extract ng tubig mula sa ilalim ng lupa lalo na kung ito ay pang negosyo at wala pa itong permit mula sa Bureau of Soil and Water Management (BSWM) at DENR
Ayon sa pahayag ni Councilor Bagnos Maximo Jr., sinabi niya na dapat ng gumawa ng sariling ordinansa ang lungsod upang maipatupad ang pagbabawal sa paggamit ng deep well.
Napag-alaman din aniya na sa Tuguegarao, City ay regulated na ang batas kaya ipinapaalala ng DENR na dapat sumunod na rin ang Cauayan City.
Sa ngayon ay sisikapin aniya ng konseho na makuha ang panig ng mga water refilling station upang malaman at maimbestigahan kung saan nga ba nanggagaling ang kanilang tubig.
Samantala, inihahanda namang ipatawag ang mga nagnenegosyo ng water refilling station sa lungsod ng Cauayan sa darating na pangalawang linggo ng buwan ng Marso.
Bukod sa imbestigasyon sa mga water refilling ay pag-aaralan na rin ang tamang presyo ng tubig na ibinebenta sa lungsod.
Sisikapin rin ng konseho na makuha ang pahayag ng DENR upang magbigay ng karagdagang linaw kung bakit pagbabawalan ang water refilling station na gumamit ng deep well.











