Ipinatawag na ng lokal na pamahalaan ang mga contractors ng mga ginagawang kalsada sa lungsod ng Cauayan kaugnay sa mga reklamo sa kakulangan ng signages at warning signs sa konstruksyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Order and Safety Division Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya kailangan ang paglalagay ng ilaw at sapat na signages sa mga road construction site upang maiwasan ang mga naitatalang aksidente.
Maraming motorista ang dumadaan sa lungsod at hindi kabisado ang lansangan kaya kailangan ng maliwanag na kalsada lalo na sa mga inaayos na bahagi ng daan.
Pangunahing inireklamo ang bahagi ng Maharlika Highway sa Brgy. San Fermin Cauayan City pangunahin sa papasok ng Cauayan City Airport na binutas ang gitnang bahagi ng kalsada at tinanggal naman ang mga bollards at reflectorized na caution ribbons na nakalagay.
Nagdudulot din kasi ito ng masikip na daloy ng trapiko sa lugar lalo na at intersection ang mismong konstruksyon.
Tiniyak ni POSD Chief Mallillin na kanilang aaksyunan ang isyu dahil malaking problema ito sa mga dumadaang motorista.