CAUAYAN CITY – Magiging mabuti na ang sitwasyon ng mga OFW sa bansang Oman matapos na tanggalin na ng pamahalaan ang travel ban sa nasabing bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gng. Lei Barrameda, isang bussinesswoman at OFW sa OMAN, sinabi niya na masaya ngayon ang mga OFW sa nasabing bansa dahil nailift na ang travel ban doon.
Aniya ito ang pinakahihintay ng lahat lalo na ang mga nagbakasyon sa Pilipinas at hindi na nakabalik dahil sa travel ban kaya nawalan ng trabaho.
Ang iba naman ay tapos na ang kontrata ngunit hindi nakauwi dahil sa travel ban na ipinataw ng pamahalaan kaya ipinagpatuloy nalang ang trabaho kahit expired ang visa.
Dahil sa travel ban ay hindi na nagamit ng mga OFWs ang kanilang bakasyon
Maliban sa travel ban ng Pilipinas ay unang ipinataw ng Oman ang pagtanggal sa posisyon ng mga expats na nasa bansa at karamihan lamang sa mga nanatili sa trabaho ay mga medical workers.
Ayon kay Gng. Barrameda karamihan sa mga trabaho ng OFWs doon ay pagiging waiter o waitress, house maids, at nagtatrabaho sa hotel.
Aniya maganda na ang sitwasyon ng Covid 19 sa Oman mula nang ginawang mandatory ng pamahalaan ang pagpapabakuna dahil hindi papayagan ang mga taong pumasok sa mga establisimiento kapag walang naipakitang patunay na bakunado na kontra covid 19.
Nasa animnaput lima hanggang pitumpung bahagdan na ng populasyon ang nabakunahan sa nasabing bansa.











