--Ads--

CAUAYAN CITY- Umabot sa 40 milyong piso ang inisyal na halaga ng pinsala na iniwan ng sunog na tumupok sa Basco Central School nitong Lingo, Marso 16.

25 million pesos ang estimated na halaga ng natupok na 10 classrooms, 10 million pesos sa mga learning resource materials, 2.7 million pesos sa mga nasunog na gadgetat ICTs gaya ng Laptop, Computer at TV habang 2.9 milion pesos naman ang halaga ng mga natupok na furnitiures.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Superintendent ng School’s Division Office ng Batanes, sinabi niya na halos 700 ang kabuuang bilang ng mga mag-aaral sa Basco Central School ngunit nasa 200 lamang ang apektado pangunahin na ang mga gumagamit sa Gabaldon Building na inabo ng sunog.

Ngayong araw ay suspendido pa rin ang pasok ng mga mag-aaral hanggang bukas dahil kasalukuyan pa rin ang clearing operations at inspection na isinasagawa sa paaralan.

--Ads--

Kinakailangan pa umano nilang antayin ang hudyat na ibibigay ng Bureau of Fire Protection (BFP) kung ligtas na para sa mga mag-aaral at Guro na pumasok sa mga naisalbang silid-aralan.

Pwede naman aniyang gamitin ang ibang mga silid ngunit wala lamang tustos ng kuryente.

Kung sakaling ma-restrore ang tustos ng kuryente at kapag nakakuha na sila ng clearance sa MDRRMO ay maaari na nilang papasukin ang ilang mga estudyante pangunahin na ang mga Grade 6 student na kinakailangang maghanda para sa kanilang National Achievement Test (NAT) sa Marso 31.

Plano naman nilang dagdagan ang bilang ng mga estudyante sa isang silid upang mapagkasya ang mga estudyante sa natitirang mga classrooms.

Pinag-aaralan din nila na magsagawa ng shifting ng klase mula 7am-12nn at 1pm -5:30pm.

Kabilang sa mga natupok ng apoy ang records section kaya pahirapan ngayon para sa mga Guro kung paano nila ire-restore ang records ng mga mag-aaral gaya na lamang ng kanilang Form 137.

Sa ngayon ay pinagsusumite na sila ng Central Office ng final estimated damage cause para sa restoration ng nasunog na Gabaldon Building.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng BFP, ‘faulty electrical wirings’ ang isa sa mga tinitignan nilang sanhi ng sunog ngunit hindi pa ito kumpirmado dahil aabutin pa umano ng 20 araw bago matukoy ang pinaka-sanhi nito.

Ito na umano ang pinakamalaking sunog na naitala sa lalawigan ng Batanes.