CAUAYAN CITY – Inihayag ng pamunuan ng Schools Division Office (SDO) Isabela na naging maayos ang paglulunsad ng Catch up Friday sa mga piling paaralan sa Lalawigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Rachelle Llana, Schools Division Superintendent ng SDO Isabela, sinabi niya na batay sa kanilang monitoring sa apat na distrito ng bayan ng Echague ay maayos namang naipatupad ang unang araw ng implementasyon ng Catch Up Friday.
Bagama’t naiba sa regular na gawain ang mga estudyante dahil sa programa ay nakibahagi pa rin sila sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kwento at lessons.
Ayon kay Dr. Llana, may mangilan-ngilang bata ang medyo hirap sa pagbabasa at mas bata sa kanilang grade level ngunit marunong naman silang magbasa.
Ang bawat paaralan aniya sa lalawigan ay may reading program at nakatuon ang kanilang programa sa pangangailangan ng mga mag-aaral.
Wala namang isasagawang assessment test sa mga bata ngunit hinihikayat ang mga guro na i-assess ang mga mag-aaral.
Layunin ng nasabing programa na buhayin muli ang pagmamahal ng mga bata sa pagbabasa.
Aniya, ang nasabing programa ay nakatuon sa forging the love for reading through project DEAR o Drop Everything and Read upang matulungan ang mga mag-aaral na mababa ang performance level sa pagbabasa.
Sa mga darating na biyernes ay magkakaroon na sila ng mga aktibidad na may kaugnayan sa Values Education at Health Education.
Ayon kay Dr. Llana, magpapatuloy ang project DEAR hanggang sa matapos ang school year at maaaring magpatuloy sa mga susunod na akademikong taon.
Tinig ni Dr. Rachelle Llana.