--Ads--


‎Tututukan ng Local Government Unit (LGU) ng Cauayan City, sa pamamagitan ng City Population Office, ang mga Sangguniang Kabataan (SK) officials bilang katuwang sa pagpapabuti ng mga serbisyong pang-barangay ngayong taon.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Population Program Officer II Ginang Rouchel Pareja, binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng mga SK officials sapagkat sila ang direktang nakikipag-ugnayan sa mga residente, partikular sa sektor ng kabataan.

‎Ayon kay Pareja, bukod sa mga isinagawang seminar at pagsasanay, mahalagang maipamalas at maipatupad ng mga SK officials ang kanilang mga natutunan sa aktwal na gawain sa kani-kanilang barangay.

‎Ipinaliwanag pa niya na ang susunod na hakbang ng LGU ay tiyakin na ang mga kaalaman at kasanayang nakuha ng SK officials mula sa seminar ay maisasalin at maipatutupad sa antas ng komunidad upang mas maging epektibo ang mga programa at serbisyo.

‎Nilinaw rin ni Pareja na layunin ng programa na masiguro ang tuluy-tuloy at maayos na paghahatid ng serbisyo mula sa barangay hanggang sa mas malawak na komunidad.

Kaugnay nito, ganito ang bahagi ng pagpapahayag ni Ginang Rouchel Pareja

‎Matatandaan na noong nakaraang buwan ay nagsagawa ang City Population Office ng isang seminar na dinaluhan ng iba’t ibang sektor sa barangay sa lungsod ng Cauayan.

Kabilang dito ang mga barangay officials, community health workers tulad ng Barangay Population Officers, Barangay Nutrition Scholars, at Barangay Health Workers.

‎Tinalakay sa nasabing seminar ang mga programa ng Population Office gaya ng Responsible Parenthood and Family Planning, Adolescent Health and Development, at Population and Development Integration.

‎Sa pamamagitan ng mga pagsasanay at patuloy na suporta mula sa LGU, inaasahan na mas mapapalakas ang ugnayan ng barangay officials, kabilang ang mga Sangguniang Kabataan, sa kanilang komunidad at higit pang mapapahusay ang serbisyong ibinibigay sa mga residente.