CAUAYAN CITY- Maling-mali umano ang ginawa ni Vice President Sara Duterte na paglalabas ng open letter hinggil sa hinaing nito sa Hepe ng Philippine National Police.
Ito ay matapos mag-post sa social media ang Bise Presidente ng isang open letter para kay PGen. Rommel Francisco Marbil, hepe ng PNP bilang tugon sa mga naging pahayag nito sa pagbabawas sa kaniyang mga security personnel.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingso, Political Analyst at Constitutionalist, sinabi niya, na dapat idinaan ito ni VP Sara sa tamang proseso gaya ng paggawa ng official letter dahil ito ay sa pagitan ng dalawang mataas na opisyal ng bansa.
Mali din aniya ang timing ng Bise Presidente dahil itinaon niya ito kung kailan mainit na tinututukan ng pamahalaan ang pagtugon sa pangangailangan ng mga nasalanta ng pagbaha na dulot ng Bagyong Carina at Habagat.
Iginiit nito na hindi naman talaga dapat binibigyan ng maraming security ang Pangalawang Pangulo dahil ayon sa Saligang Batas ay isa lamang ang tungkulin nito at iyon ay ang palitan ang Pangulo kung sakaling mawala ito.
Hindi dapat pinagkakagastusan ng mga taxpayers ang Bise Presidente para lamang sa seguridad nito kaya dapat ay minimum lang ang bilang ng security ni VP Sara.
Aniya, tama lang ginawang pagtanggal ni PGen. Marbil na bawasan ang security nito dahil sa una pa lang ay mali na ang pagbibigay ng maraming security personnel sa Bise Presidente.