--Ads--

CAUAYAN CITY – Nais marinig ng grupo ng mga magsasaka sa SONA ni Panglulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga bagong proyekto ng pamahalaan kaugnay sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura na siyang tutugon sa pagpapababa ng presyo ng mga pagkain sa bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Leonardo Montemayor, Chairman of the Board ng Federation of Free Farmers, sinabi niya na sa nakalipas na limang taon ay napakaliit ng paglago ng agricultural production growth sa bansa na aabot lamang 1.2% ang pinakamataas.

Aniya, nasa 1.4-1.5% ang paglago ng populasyon ng bansa sa isang taon at hindi ito kayang punan ng ilang bahagdan lamang na pagtaas ng produksyon ng agrikultura sa bansa.

Dapat aniyang banggitin ng Pangulo sa kaniyang SONA ang mga kakulangan sa sektor at ang mga programa na kaniyang ilalatag para mapunan ito.

--Ads--

Kinakailangan din aniyang imodernize at pagandahin ang kalidad ng mga post harvest facility para mapadami ang recovery ng palay na makatutulong upang mapunan ang kakulangan sa bigas.

Kulang din aniya ang inilalaan na budget para sa Kagawaran ng Pagsasaka kaya laging nahuhuli ang food production at hindi din nalulutas ang problema sa pagmahal ng bilihin.

Nanawagan naman siya sa Pangulo na ipaliwanag sa kanilang hanay kung papaano matutugunan ng kanilang panukalang pagbabawas sa taripa ng imported na bigas ang kakulangan ng supply at pagtaas ng presyo ng pagkain sa bansa.