Tinawag nag recession ng Rice Millers Association Region 2 ang nararanasang pagbagsak sa presyo ng palay sa kabila ng umiiral na Importation ban ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ernesto Subia ang Pangulo ng Rice Millers Association sa Region 2, sinabi niya na handa naman silang sumunod sa mga panuntunan na ipapatupad ng Pamahalaan subalit dapat aniya na magkaroon ito ng iisang direksyon.
Aniya bagamat ipinagbawal ang pag import ng bigas sa loob ng 30 days ay maraming imported rice na ang nakapasok sa bansa bago paman naisakatuparan ang import ban.
Para sa kanila walang epekto sa presyo ng palay ang import ban na ipinatupad nitong buwan ng Setyembre lalo at bumaha na ng imported rice nitong mga nakalipas na buwan kaya napakalabo aniya na tumaas pa ang presyo ng palay kahit pa palawigin ito ng isa pang buwan ng Kagawaran ng pagsasaka.
Kasalukuyan silang naglalabas ng stock sa hangarin na mapalitan ang mga matagal ng naka imbak na bigas subalit sa paluging presyo.
Sakabila ng panukalang palawigin pa ang ban hanggang sa pagtatapos ng taong kasalukuyan ay marami parin naman ang tustos na bigas dahil sa mga pumasok ng imported rice sa unang quarter ng taon.
Para sa kaniya hindi lamang mga magsasaka ang nalulugi sa bagsak na presyo ng palay kundi maging silang mga negosyante.
Sa katunayan ay may isasagawang pagpupulong kasama si DA Sec. Francisco Tiu Laurel para matalakay ito at plano nilang imungkahi na palawigin ang ban hanggang isang taon para makabawi silang mga millers.
Nanindigan din siya na dapat magkaroon ng fix tariff na hindi dapat binabawasan sa halip itaas para madismaya ang mga importer at kahit papaano ay makatulong sa mga magsasaka.










