CAUAYAN CITY – Walang nakikitang masama ang dating Pangulo ng Integrated Bar of the Philippines o IBP sa panukalang magkaroon ng Re-election ang Pangulo ng bansa o mapalawig pa ang termino ng presidente ng bansa mula sa kasalukuyang anim na taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Former IBP President Atty. Domingo Cayosa sinabi niya na maganda ang timing ngayon sa paghahain ng panukalang amiyendahan ang 1987 constitution bago magbukas ang sesyon ng ikalabing siyam na balangkas ng Kongreso.
Aniya, maraming nagdaang pangulo ng bansa ang nagpanukalang amyendahan ang Saligang Batas ngunit ginagawa ito sa ikalawang bahagi ng kanilang termino at walang kinahihinatnan at nahahaluan ng pamumulitika.
Wala namang dapat ikabahala ang publiko sa muling panukala na maamyendahan ang batas dahil sa huli ay desisyon parin ng mga botante o taumbayan ang masusunod.
Nilinaw naman niya na bagamat walang nakikitang mali sa pagkakaroon ng re-election ay maaaring gamitin ng nakaupong Pangulo ang mas pinalawig na termino upang gamitin ang kaniyang kapangyahrihan at resources ng pamahalaan upang malamangan ang kalaban o muling mahalal.
Maliban naman sa pagpapalawig sa termino ng pangulo ay maaaring amiyendahan na rin ang Konstitusiyon upang maadopt ang mga magagandang probisyon tulad ng pagpapaiksi sa timeline o panahon ng pagdedesisyon ng mga korte sa mga hinahawakang kaso ,pagsusulong ng Federalismo, Pagtataas ng Minimum Requirement sa CSC, anti corruption mechanism, pagpapalakas ng Accountability Provision at Transparency provisions at marami pa na hindi lamang nakasentro sa politika.