Nakatakdang lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Agosto 12, ang batas na magpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections at mag-aayos ng termino ng mga opisyal, ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia.
Mula sa orihinal na petsa ng Disyembre 1, 2025, ililipat ang halalan sa unang Lunes ng Nobyembre 2026
Palalawigin din ang termino ng mga opisyal mula tatlong taon tungo sa apat na taon.
Sa kabila ng inaasahang pagpirma, tuloy pa rin ang paghahanda ng Comelec para sa halalan, kabilang ang 10-araw na voter registration campaign na sinimulan sa Pampanga.
Matatandaan na makailang ulit na naipagpaliban ang BSKE sa ilalim pa lamang ng pamumuno ni Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong 2016 dahil sa isinusulong Federalismo at umiiral na Anti-Drug Campaign.
Sa kasunod na taon ay muli itong ipinagpaliban dahil sa ipinasang batas ni FPRRD para bigyang daan ang anti-drug efforts na nasundan ng pagputok ng Covid 19 pandemic na naging daan para mapalawig ang termino ng mga Barangay Officials.
Sa loob ng dalawang taon na pagkakaantala ng halalan ay natuloy ito noong Disyembre 2023.











