CAUAYAN CITY- Naging sunod-sunod ang pagpapalit ng hepe ng mga Police Station sa Isabela sa harap ng nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Supt Warlito Jagto, Police Community Relations/Public Information Officer ng Isabela Police Provicial Office, magkakasunod na pinalitan ang mga hepe ng mga bayan ng Burgos, Jones, Quirino, San Isidro, at Palanan, Isabela noong Marso para sa kanilang schooling samantalang ang hepe ng Tumauini ay pinalitan dahil sa paratang na iregularidad.
Ayon kay Supt. Jagto, bagamat napalitan ang mga hepe, ay inaasahan pa rin ang magandang serbisyo sa mga naturang bayan.
Ilan din sa mga bagong hepe ay mula sa ibang lalawigan ngunit kabisado na nila ang nasasakupan ng IPPO.
Maganda rin aniya ang performance ng mga dati at bagong hepe ng pulisya.
Nilinaw niya na may clearance mula sa Provincial Election Supervisor ng COMELEC Isabela ang pagpapalit sa mga hepe ng pulisya .
Samantala, hiniling ni P/Supt Jagto sa mga local chief executive na suportahan ang mga bagong hepe ng pulisya na naitalaga sa kanilang bayan/lunsod.