CAUAYAN CITY – Napakahalaga para sa isang pamilyang Pilipino na panatilihin ang pagbubuklod o strong family ties hindi lamang dahil may National Family Day.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Kathreen Custodio Joson, isang Psychologist, sinabi niya na ang malapit na relasyon sa pamilya ay isang likas na katangian sa tipikal na pamilyang Pilipino.
Sa ngayon na namumuhay na ang mga tao sa digital era at kinahuhumalingan na ng mga kabataan ang mga gadgets ay marami nang pamilya ang tila nagkakalayo o wala nang panahon para magtipun-tipon o magbonding sa isa’t isa.
Napakahalaga ang emotional bond o connection ng mga miyembro ng pamilya dahil sa positibong epekto nito sa paglaki ng mga kabataan.
May mga magulang nang hindi nahaharap ang mga anak dahil sa paghahanap buhay at may negatibo itong epekto sa kanila.
Ito aniya ang pinapahalagahan ng pamahalaan sa pagtatakda sa National Family Day kaya sinuspinde ang pasok sa trabaho sa pamahalaan upang bigyang daan ang bonding ng mga pamilya.
Aniya, nararapat lamang sa mga pamilya na magkakalapit at nagtutulungan lalo na ngayong halos lahat ay tila naghahabol ng oras dahil sa trabaho.
Lumalayo ang loob ng mga bata sa kanilang mga magulang kung sila ay hindi nabibigyan ng sapat na panahon para magkakasama kahit sandali lamang tulad ng pamamasyal sa labas o kahit sa sabay na pagkain sa hapagkainan.
May epekto rin ito sa kanilang pakikisalamuha sa ibang tao dahil ang iba ay mababa ang self esteem o tingin sa sarili at ang iba ay nagrerebelde sa magulang.
Nilinaw naman ni Dr. Joson na hindi ang bilang ng oras na ginugugol sa pamilya ang mahalaga kundi ang kalidad ng pagsasama ng pamilya sa hirap man o ginhawa.
Tinig ni Dr. Kathreen Custodio Joson.