Itinuturing na ngayong isang national concern ng mga tagasuporta ng divorce bill ang isinusulong na legalisasyon ng absolute divorce sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cecil Carmine Leugenberger Jueco, convenor ng Divorce for the Philippines Now International, sinabi niyang ikinatuwa ng kanilang grupo ang muling paghahain ng panukala sa 20th Congress.
Ayon kay Jueco, ito ay isang “bold step” na kumikilala sa realidad na hindi lahat ng mag-asawa ay may maayos at masayang pagsasama. Bagamat kinikilala nila ang sanctity of marriage, iginiit niyang nararapat ding kilalanin ang mga kasong irreparably broken o labis na abusado.
Ipinahayag din ni Jueco ang pasasalamat sa Makabayan bloc sa muling pagbuhay ng panukala matapos pumanaw ang pangunahing tagapagtaguyod nitong si Cong. Edcel Lagman.
Aniya, ito na ang ikalawang pagkakataon na pumasa ang Absolute Divorce Bill sa Kamara, at hindi pa rin sila nawawalan ng pag-asang tuluyan itong maisabatas at makakalusot sa Senado.
Hinimok din nila ang mga mambabatas na panoorin ang kanilang inihandang dokumentaryo, kung saan tampok ang mga personal na kwento ng mga indibidwal kung bakit sila pabor sa divorce.
Matatandaang muling inihain sa Kamara ang dalawang panukala ang House Bill 108 – ni Rep. JC Abalos (4Ps Party-list) at House Bill 210 – nina Reps. Antonio Tinio (ACT Teachers) at Renee Louise Co (Kabataan)
Layunin ng mga panukala na magbigay ng legal na opsyon para sa mga mag-asawang nasa walang pag-asang ayusin o abusadong relasyon, alinsunod sa mga probisyong nakasaad sa Expanded Family Code.
Ayon kay Abalos, ang layunin ng divorce bill ay hindi upang itaguyod ang hiwalayan kundi upang maprotektahan ang karapatang pantao ng mga biktima ng karahasan sa loob ng tahanan.
Sa nakaraang 19th Congress, naipasa na ito sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ngunit hindi na umusad sa Senado.











