--Ads--

CAUAYAN CITY – Mahigpit na ipinagbabawal ngayon ang pagpapasok ng baboy sa San Mariano Isabela dahil sa mga naitalang kaso ng African Swine Fever o ASF sa ilang bayan sa Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Market administrator Charlito Angui, sinabi niya na lahat ng mga daan na papasok sa bayan ng San Mariano ngayon ay may checkpoint para matiyak na walang makapasok na nagbebenta ng baboy.

Aniya, kahit ASF free ang pinanggalingang bayan ng baboy ay hindi pa rin papapasukin sa  kanilang bayan.

Kailangan aniya nila itong gawin para hindi makapasok ang naturang sakit ng baboy sa kanilang bayan at nang hindi sila magkulang sa suplay ng karne ng baboy.

--Ads--

Samantala, tumaas ang presyo ng karne ng baboy ngayon sa naturang bayan matapos aprubahan ang Ordinance No. 2023-1337.

Mula sa dating presyo na 230 pesos hanggang 250 pesos ngayon ay nasa 270 pesos na ang bawat kilo ng straight cut. Ito ay kung mabibili ang live weight ng 180 pesos bawat kilo.

Inaprubahan ang naturang ordinansa sa ginanap na pagpupulong ng kanilang Sangguniang Bayan noong Miyerkules.

Sinasabing nalulugi na umano ang mga hog raisers dahil sa taas ng presyo ng pagkain ng baboy kaya itinaas din ang presyo ng karne.

Ikinagulat naman ito ng marami dahil nasanay umano sila sa murang presyo ng karne ng baboy sa kanilang bayan.

Ayon sa ilang mamimili mukhang hindi pa napapanahon ang pagtaas ng presyo ng karne ng baboy dahil sa hirap ng buhay ngayon at marami pa namang suplay ng baboy sa kanilang bayan.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Diosdado Paguirigan, nagtitinda sa pamilihang bayan ng San Mariano, sinabi niya na ibinebenta muna nila sa kayang halaga ng mga mamimili ang paninda nilang karne ng baboy dahil sa pag-iwas ng ilang mamimili na bumili ng karne matapos mapag-alaman na tumaas na ang presyo nito.