
CAUAYAN CITY – Inirereklamo ng ilang mga residente ng Barangay Rizal ang pagpapatayo ng Telecommunication Tower sa isang pribadong lupa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Orly Sapon, residente ng Brgy. Rizal, Santiago na noong una ay sinabi sa kanilang apartment ang ipapatayo sa naturang lugar ngunit nagulat sila nang mayroon nang Backhoe na maghuhukay at sinabing titignan kung maaring pagtayuan ng tower.
Ito ang dahilan kung bakit sumangguni sila kay Punong Brgy. Reynaldo Baldonado at tiniyak sa kanya na bago magbigay ng certification ay mag-uusap pa sila.
Ngunit nang dumating anya ang Engineer ay mayroon nang ipinakitang certification na galing sa kanilang Punong Barangay samantalang wala pang pag-uusap na naganap bago magbigay ng certification.
Naghain anya sila ng petisyon laban sa pagpapatayo ng tower sa kanilang Punong Barangay ngunit sa ngayon ay hindi na sila pinapansin ng opisyal.
Nagrereklamo sila sa pagpapatayo ng tower dahil sa takot sa radiation at kung sakaling magkaroon ng bagyo ay manganganib silang nakapaligid sa naturang istraktura.
Nais din nilang matugunan ng panlunsod na konseho ang kanilang petisyon laban sa pagpapatayo ng naturang tower.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Brgy. Reynaldo Baldonado ng Brgy. Rizal, kanyang sinabi na sumusunod lamang siya sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi maaring maantala ang pamimigay ng mga Permit sa mga nakatakdang pagtayuan ng Telecommunication Tower at mayroon din naman itong permit ng Local Government Unit o LGU kaya nagbigay na rin siya ng permit.
Hindi naman aniya ito ang unang pagkakataon na magkaroon Telecommunication Tower Project ang kanilang barangay malapit sa mga kabahayan dahil mayroon nang naipatayong dalawang telecommunication tower sa Purok 5 na unang binigyan ng Brgy. Permit.
Iginiit nito na hindi naman nagkulang ang kanilang grupo na kausapin ang kanilang mga residente at paninindigan nito na mayroon naman umanong pagpapaliwanag sa maaring epekto nito sa kanilang komunidad ang mga nangunguna sa konstruksyon nito.
SAMANTALA, Binigyang diin naman ni Engr. Benedict Panganiban, City Engineer ng Santiago City na mayroong kautusan ang Pangulo sa pagpapatayo sa mga tower sa bansa na streamlining ang gagamitin at hindi na dadaan pa sa Sangguniang Panlunsod.
Inihayag pa ni Engineer Panganiban na dumaan sa masusing inspeksyon at pagsusuri ang pagpapatayo ng tower at nakitang ideal land ang naturang lugar alinsunod sa ipinalabas na Joint Memorandum Circular 01 Series of 2020.
Sinabi pa ng City Engineer na bilang siya ang landowner ng pagpapatayuan ng tower ay nagsumite sila ng mga kaukulang dokumento na naaprubahan at nakapasa sa Standard ng Contructor ng nasabing Cellsite .
Ayon kay Engineer Panganiban, hindi naman ipapatayo ang Cellsite kung ito ay delikado at maaring makaapekto sa kaligtasan ng mga residente dahil ang contructor ang mayroong responsibilidad at mananagot kapag mayroong naganap na aksidente kaugnay ng pagpapatayo ng naturang tower.










