CAUAYAN CITY – Nagpapatuloy ang isinasagawang feasibility study ng Isabela State University katuwang ang National Irrigation Administration o NIA, Japan International Cooperation Agency at Kyoto University sa sitwasyon ng Magat Dam.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ricmar Aquino, presidente ng Isabela State University o ISU System, sinabi niya na katuwang nila sa research ang JICA at Kyoto University sa Japan kung saan ang una nilang pinag-aralan ay ang sedimentation sa dam.
Aniya namemeligro na ang dam dahil sa sedimentation at siltation na kung hindi maagapan ay maaring magresulta sa pagtigil ang power generation ng Magat Dam.
Lumiliit na rin ang kapasidad ng dam na malaking problema sa irigasyon sa mga sakahan kung hindi magagawan ng solusyon.
Ilan sa mga proposed projects sa naturang pag-aaral ang Flood control, Irrigation, Watershed management, Water supply and power Generation at Water quality management projects.
Base sa pag-aaral noong 2016, makalipas ang sampung taon ay inaasahang magkakaproblema na ang power generation ng dam.
Sa pamamagitan ng mga malilit na dam na ilalagay sa mga watershed areas ay makokontrol ang papasok na sediments sa dam.
Kailangan ding malinisan ang Cagayan Valley river basin na nagiging problema tuwing tag-ulan dahil sa pagbaha.
Para sa water management, ayon kay Dr. Aquino, nakatakdang ipatayo sa ISU ang water research center na pinondohan ng DOST na makakatulong sa mas malalim na pag-aaral sa water resources ng Region 2.
Sa pamamagitan ng water resources research center, makakapagpresenta ang mga researchers ng komprehensibong water resources assessment framework para sa water hazards, katulad ng mga pagbaha at sedimentation.