--Ads--

Naging maayos ang implementasyon ng Aral Program ng Department of Education (DepEd) batay sa monitoring ng SDO Cauayan.

Ayon kay Octavio Cabasag, Chief Education Program Supervisor ng DepEd Region 2, may mga trained teachers para sa naturang programa na mainit namang sinuportahan ng mga mag-aaral. Sa kasalukuyan, tinututukan muna ang mga basic skills ng mga estudyante bago simulan ang mid-assessment at bago sila umusad sa Aral class.

Ang mga mag-aaral na papasa o makakakumpleto sa required competencies ay ibabalik sa kanilang classroom kasama ang isang homeroom teacher.

Dagdag pa ni Cabasag, ang Aral Program ay isang continuous education at hindi natatapos kapag na-master na o nakumpleto ng mga bata ang competencies. Sa halip, tuloy-tuloy ang monitoring upang masiguro ang pag-unlad ng mga mag-aaral.

--Ads--

Ang programa ay isang uri ng interbensyon ng DepEd para ma-develop ang mga batang may kakulangan o kahinaan sa isang competency. Ang pagtukoy dito ay ginagawa sa pamamagitan ng assessment upang matukoy kung sino ang nangangailangan ng dagdag na suporta.

Isinasagawa ang Aral Program sa loob ng 60 minuto, depende sa inihandang aralin ng Aral Teacher, at hindi tumatagal ng kalahating araw.

Sa ngayon, may ilang usapin hinggil sa pagbabago sa schedule ng mga mag-aaral sa elementarya. Halimbawa, isang top student ang nagkaroon ng problema dahil sa half-day na klase dulot ng Aral Program.

Nilinaw ni Cabasag na may ilang eskwelahan ang maagang nagsisimula ng klase, kaya’t ang mga Kindergarten at Grade 1 ay maaari pa ring magkaroon ng half-day basta’t maabot ang minimum number of hours. Gayunpaman, hindi ito maaaring ipatupad sa mas mataas na baitang.

Isa pang dahilan ay ang mga eskwelahan na may malaking populasyon ng estudyante, kaya’t nagkakaroon ng shifting at nahahati ang klase.

Samantala, nagbigay din siya ng paalala sa mga guro kaugnay sa paggamit ng Alternative Delivery Mode (ADM) tuwing may bagyo. Aniya, sa panahon ng madalas na class suspension dahil sa sama ng panahon, dapat isaisip ng mga guro ang pagbibigay ng klarong instructions at laging unahin ang kaligtasan ng mga mag-aaral.