Naghahanda na ang Isabela Police Provincial Office (IPPO) para sa pagpapatupad ng ‘Ligtas SumVac’ na naglalayong mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa lalawigan ng Isabela ngayong summer season.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Scarlette Topinio, tagapagsalita ng IPPO, sinabi niya na kabilang sa mga malaking aktibidad na kanilang tututukan ngayong summer season ay ang Holy Week, Araw ng Kagitingan, Flores de Mayo at iba pa.
Aniya, babantayan nila ang pagdagsa ng mga magbabakasyon dito sa Isabela kaya mahigpit din nilang imomonitor ang mga kalsada pangunahin na ang mga maaring maging sanhi ng traffic congestion.
Magtatalaga rin sila ng mga kapulisan sa mga simbahan, resort, ilog at iba pang mga matataong lugar pangunahin na kapag semana santa.
Mayroon na ring insiyal na pakikipag-ugnayan ang kanilang hanay sa mga resort owners upang ipaalala ang mga safety measures at mga panuntunan na dapat nilang sundin upang matiyak ang kaligtasan ng mga magtutungo roon.
Nanawagan naman si PCapt Topinio sa publiko na makiisa sa mga kapulisan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga panuntunan upang makaiwas sa mga hindi kanais-nais na indente.











