CAUAYAN CITY- Marapat lamang na ipatupad ang nationwide smoking ban sa July 22, 2017 dahil sa iba’t ibang sakit na dulot ng paninigarilyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Oscar Caballero, Chief of Hospital ng Cauayan District Hospital na sang-ayon siya sa naturang programa ng pamahalaan.
Sinabi ni Dr. Caballero na ilan sa mga maaring idulot ng sigarilyo sa kalusugan ng mga gumagamit nito at maging sa mga nakakalanghap sa usok nito ay heart attack, lung cancer, emphysema, pagbilis ng tibok ng puso, pagbaba ng temperatura ng balat, pagka-irita ng ilong, lalamunan at bibig.
Maliban sa mga naunang nabanggit, ang nicotine na isa sa sangkap ng sigarilyo ay nakakapagpakapal ng daluyan ng dugo na maaring magsanhi ng stroke o kaya’y kamatayan.
Sinabi pa niya na sa mga pag-aaral, sa panahon ngayon ay pabata na ng pabata ang mga naninigarilyo.
Pinayuhan naman ni Dr Caballero ang mga nais na umiwas sa nasabing bisyo na determinasyon at kagustuhan na itigil ang paninigarilyo ang susi upang maiwasan ang naturang bisyo.
Maari naman umanong gumamit ng candy upang makaiwas sa sigarilyo o kaya’y tuluyan na itong ipagbawal sa merkado.




