--Ads--

CAUAYAN CITY – Inaasikaso na ang pagpapauwi sa isang Overseas Filipino Workers o OFW na si Liezel Domingo Artates, 31 anyos at residente ng Barangay Magsaysay, Saguday, Quirino na nanawagan ng tulong dahil sa hindi magandang trato ng kaniyang mga nagiging amo sa Riyadh Saudi Arabia.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jerry Bern Layco ng Rizal Saguday Quirino na kasalukuyang nagtra-trabaho sa Riyadh Saudi Arabia bilang chocolate designer, batay sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Overseas Labor Office-Overseas Workers Welfare Administration o POLO-OWWA na ginagawa na nila ang lahat para mapabilis ang pagpapauwi sa biktima.

Nakikipag-ugnayan na rin ang POLO-OWWA sa amo ni Artates at kung hindi makikipag tulungan ay handa ang ahensya na pwersahang kunin ang biktima kasama ng mga pulis.

Si Artates ay isang taon na sa Saudi Arabia bilang Domestic Helper at anim na beses nang pinagpasa-pasahan ng iba’t ibang amo at hindi naibibigay ang sahod.

--Ads--

Hindi na umano ito nakakakain at nakakatulog nang maayos dahil sa pagbabanta ng kaniyang mga nagiging amo na ipakukulong sa oras na magsumbong.

Nangangamba rin si Artates sa kaniyang buhay dahil isang sundalo ang kanyang kasalukuyang amo.