--Ads--

Nagpapatuloy pa rin ang pagsisiyasat ng mga opisyal ng barangay at pulisya sa nangyaring pagpatay sa ilang mga naka-pastol na alagang baka sa Barangay Marabulig 1, Cauayan City.

Ang naturang pagpatay sa ilang mga baka na nakapastol sa bakanteng lote sa nabanggit na lugar ay naganap noong ika-23 ng Enero subalit hindi pa rin natutukoy ngayon kung sino ang salarin sa naturang krimen.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Jaime Partido, punong barangay, sinabi niya na dalawang alagang baka ang kinatay, tinanggalan ng isang paa at tinaga ang ulo.

Ito umano ang unang insidente ng pagpatay ng mga baka sa kanilang lugar kung saan dalawang magsasaka na agad ang nabiktima.

--Ads--

Gabi aniya posibleng nangyari ang krimen at laking gulat na lamang ng mga may-ari ng baka nang matagpuan kinaumagahan ang kinatay na kanilang alaga.

Matapos namang maiulat sa barangay ang krimen ay agad naman aniyang nakipagtulungan ang mga ito sa pulisya upang matukoy na ang gumawa ng krimen.

Sa ngayon ay patuloy pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang awtoridad at sinisiyasat kung may kinalaman ang lalaking nahagip sa CCTV sa nangyaring krimen.

Naniniwala ang mga opisyal na posibleng ang lalaking nahagip ng cctv ay ang lalaking nagsilbing lookout dahil hindi umano kayang gawin ng isang tao lamang ang naturang krimen.

Kaugnay nito ay pinag-iingat naman ang mga magsasaka na may alagang hayop sa lugar.

Nakikiusap ang  mga opisyal ng barangay na tiyakin nilang nasa ligtas na lugar ang kanilang mga alaga upang hindi na maulit pa ang krimen. Posible naman umanong i pastol sa malapit sa kanilang kabahayan upang mas ligtas ang alaga.

Nananawagan pa ang punong barangay na agad ipaalam sa kanilang tanggapan kung mayroong mga namataan na kahina hinala sa lugar noong araw na nangyari ang insidente.