CAUAYAN CITY – Isang welcome development para sa apprehension team ng Cauayan City Covid19 Task Force ang pagpayag na sa mga batang edad lima pataas na makalabas ng bahay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na welcome development ito sa kanila dahil maaaring ito na ang simula ng pag iwan ng lahat sa covid 19.
Aniya kung mananatili ang mga tao sa sitwasyong dulot ng Covid 19 ay mahihirapang makausad.
Kahit naman aniya pinayagan na ng IATF na makalabas ang mga bata ay kailangan pa rin ng guidance ng kanilang mga magulang upang makasunod pa rin sa mga ipinapatupad na minimum health protocols.
Wala pang mga batang nabakunahan kaya kailangang mabantayan ang mga bata sa kanilang paglabas.
Ayon kay POSD Chief Mallillin kailangan ang suporta at kooperasyon ng lahat upang matiyak na ligtas ang mga kabataan sa kanilang paglabas.
Samantala nakatakda namang balangkasin ng Pamahalaang Panlunsod ang guidelines o panuntunan tungkol sa nasabing anunsyo ng IATF sa kanilang gagawing pagpupulong sa susunod na linggo.
Ibig sabihin nito ay hindi pa rin pahihintulutan ng lokal na pamahalaan ng Cauayan City ang paglabas ng mga batang nasa edad lima pataas.
Ayon sa Pamahalaang Panlunsod, kahit pabor sila sa nasabing desisyon ay mandato pa rin ng bawat LGU ang ibinabang desisyon kung susundin ito kaya’t makikipag-ugnayan rin sila sa mga health authorities ukol dito upang mapag usapan ang mga hakbang na dapat gawin.











