
CAUAYAN CITY – Binawi ni Governor Rodito Albano ng Isabela ang pagpayag na sa angkas sa motorsiklo.
Unang sinabi ni Gov. Albano na naghain sila ng petisyon sa Inter-Agency Task Force (IATF) para hilingin na payagan na ang angkas sa motorsiklo upang hindi nahihirapan ang mga mamamayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Albano, sinabi niya ipagbabawal pa rin ang angkas sa motorsiklo kahit na magkasama sa loob ng bahay.
Kakausapin din niya ang Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) para ipagbawal pa rin ang angkas.
Bukod dito ay mahigpit pa ring ipagbabawal ang paglabas sa bahay na walang suot na face mask ang mga mamamayan.
Kahapon ay isinailalim sa General Community Quarantine (GCQ) phase 1 ang Echague, Isabela matapos makapagtala ng panibagong positibo sa CoViD-19 sa barangay San Fabian.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, nakiusap si Mayor Kiko Dy sa mga taga-barangay San Fabian na iwasan munang lumabas at manatili sa loob ng kanilang bahay.
Nagsasagawa na ng contact tracing ang mga otoridad sa mga nakahalubilong mga kamag-anak ng nagpositibo sa COVID 19.
Nilinaw ni Mayor Dy na galing sa ibang lugar at umuwi lamang sa barangay San Fabian ang nagpositibo sa COVID 19 na ginagamot na sa ospital.
Siya ay kinunan ng SWAB test noong June 4, 2020 at nakumpirmang positibo sa virus.










