CAUAYAN CITY- Idinaan sa draw lots ang pagpili ng ikawalong kasapi ng Sangguniang Bayan ng Palanan, Isabela matapos na magtabla sa botong 3,058 votes ang mga kandidato na sina Jojo Gonzales at Theo Angelo Garcia.
Naging witness sa drawlots si MLGOO Ruby Rose Baccay ng Palanan na nagsabing ang toss coin o drawlots sa nag-tie na kandidato ay nakasaad sa Local Government Code.
Sa naging panayam ni Bombo Radyo Cauayan, kapwa sinabi nina Gonzales at Garcia na wala silang magagawa kundi tanggapin ang panuntunan.
Sinabi naman ni Election Officer Emmanuel Aggabao na napagpasyahan nilang idaan sa draw lots ang pagpili kung sino sa dalawang kandidato ang uupong ikawalong Sangguniang Bayan member.
Ang mapalad na uupo sa ikawalong puwesto ay si Ginoong Theo Garcia matapos makuha ang number 8 sa ginanap na draw lots.
Ang mga kasama niyang nahalal na SB member ng Palanan, Isabela ay sina Pacita Mona Anastacio, Ronnie Atienza, Earl John Bernardo, Michael John Bernardo, Gloria Cauilan, Criselda dela Penia, at Robert Neri.
Samantala ang nahalal na Vice Mayor na si Jimmy Gonzales na nagpapasalamat sa mga nagtiwala at bumoto sa kanya.
Susuklian niya umano ito ng tapat na serbisyo.
Labis ding nagpapasalamat ang nahalal na mayor na si Elizabeth Bernard Ochoa sa mga bumoto sa kanya.
Nalulungkot lamang siya na hindi niya kasamang nahalal ang kanyang katandem na kandidato sa pagka-bise mayor.