CAUAYAN CITY- Maituturing na ‘Political Branding’ ang ginagawang pagpilit sa mga ahensiya ng gobyerno na kumanta ng Bagong Pilipinas Hymn at bumigkas ng bagong panata sa Flag Ceremony.
Matatandaan na naglabas ng Memorandum Circular No. 52 ang Malacañang na nag-aatas sa mga ahensiya ng gobyerno na isama ang pag-awit ng “Bagong Pilipinas” Hymn at pagbigkas sa panata sa Bagong Pilipinas sa kanilang lingguhang flag ceremonies.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Anayst at Constitutionalist sinabi niya na modus operandi ito ng pamilya Marcos para itatak sa gobyerno ang political branding ng kanilang pamilya para lokohin ang taumbayan.
Aniya, nakakadismaya na maging ang Senado ay sumusunod sa mga ganitong klase ng Executive Order na walang magandang dulot sa lipunan.
Giit nito na hindi na saklaw ng kapangyarihan ng Pangulo ang pagdaragdag ng kakantahin at ire-recite sa flag ceremony kaya kung talagang may delikadesa ang isang Poltiko ay hindi na ito dapat pang makialam sa mga simbolismo at tradisyon na nakasaad na sa batas.
Hindi din dapat pilitin ang ahensiya na sumunod sa executive order dahil malinaw umano na sa nakapaloob sa Republic Act 8491 na tanging ang Lupang Hinirang at panunumpa sa watawat lamang ang inaawit at binibigkas sa flag ceremony.
Nakakaalarma aniya kung patuloy itong ipipilit ni Pangulong Marcos Jr dahil ang mga ganitong hakbang ay maituturing na undemocratic at sa huli ay magiging kawawa lamang ang taumbayan.