--Ads--

Ipinapaalala ng Commission on Elections (Comelec) na mahigpit na ipinagbabawal sa mga kontratista ng mga proyektong pinopondohan ng gobyerno ang pagbibigay, direkta man o hindi direkta, ng pondo sa mga kandidato o political party.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, nakasaad sa Section 95(c) ng Omnibus Election Code na bawal sa mga indibidwal o kumpanyang may kontrata o subkontrata sa gobyerno ang magbigay ng anumang kontribusyon para sa kampanya.

Nilinaw din ni Garcia na ito ay isang election offense na may kaparusahang isa hanggang anim na taon na pagkakakulong, at maaari ring mauwi sa pagkakakansela ng kanilang lisensya o business permit. Dagdag pa niya, maaaring masampahan ng kaso sa Comelec ang mga kandidatong tatanggap ng ganitong kontribusyon.

Ang paalalang ito ay kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kamakailan, kung saan ibinunyag niya na 15 construction firms lamang ang nakakuha ng halos P100 bilyon, o 20% ng kabuuang P545 bilyong pondo para sa mga flood control projects mula Hulyo 2022.

--Ads--

Tinawag ng Pangulo ang ganitong sitwasyon bilang “nakakabahala.”