--Ads--

CAUAYAN CITY – Walang napagkasunduan sa pagpupulong noong Miyerkules ang mga taga-opposition at ni Sri Lankan President Gotabaya Rajapaksa kaugnay sa nagaganap na malawakang kilos protesta at pagbibitiw sa puwesto ng mga opisyal ng pamahalaan.

Inihayag ni Bombo International News Correspondent Jenny Verdillo Gadut na sa halip na bigyan ng solusyon ang mga suliranin sa kanilang bansa sa naganap na pagpupulong ay pinag-usapan lamang ang mga nagaganap ngayon sa Sri Lanka na rally at pagbibitiw sa puwesto ng mga opisyal ng naturang bansa.

Wala naman anyang solusyon na inilatag ng magkabilang panig kundi ang pinag-usapan lamang ay kung sino ang ipapalit sa mga nagbitiw sa puwesto.

Ayon kay Gadut, para sa kanya ay dapat na nagkakaisa ang mga opposition at ang mga namumuno sa Sri Lanka para resolbahin ang krisis na nagaganap sa kanilang bansa.

--Ads--

Hindi dapat na ang mga nakaupong opisyal ng pamahalaan ay nagbibitiw sa puwesto kundi mag-isip ng paraan upang malutas ang suliranin nila sa ekonomiya at mapigilan ang mga isinasagawang kilos protesta.

Bagsak na ang ekonomiya ng Sri Lanka at nagkukulang na ang ilang pangunahing bilihin tulad ng milk powder at wala na ring mabiling LP Gas na ginagamit sa pagluluto.

Aniya, masusundan din ang pagpupulong ngayong araw ng Biyernes kaya aabangan niya ang anumang pag-uusapan sa pulong.

Nagpapatuloy pa rin ang malawakang protesta ngunit isinasagawa ito ng maayos at walang nagaganap na kaguluhan.

Hindi naman nila hinaharang ang mga taong bumibiyahe pangunahin na ang mga empliyado.