Payapa ang pagsalubong ng Bagong Taon sa Santiago City, ayon sa Philippine National Police, sa kabila ng ilang naitalang minor firecracker-related injuries.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLTCOL. Osmundo M. Mamanao, Officer in Charge ng City Community Affairs and Development Unit ng PNP Santiago City, tatlong kaso ng firecracker-related injuries ang naitala mula Disyembre 26 hanggang Enero 1. Lahat ng ito ay itinuturing na minor injuries na dulot ng mga paputok tulad ng kwitis at bawang.
Sa datos ng pulisya, dalawang menor de edad na edad 11 at 17, at isang 27-anyos ang nasangkot sa mga insidente. Karamihan sa mga pinsala ay sanhi ng accidental blast kung saan tinamaan ang kamay at paa ng mga biktima, dulot ng pwersa ng pagsabog at mga maliliit na bagay na tumalsik mula sa paputok. Nilinaw ng PNP na ang mga paputok na sangkot ay authorized o pinapayagan, at kadalasang pinapaputok sa loob ng mga tahanan, dahilan upang ang insidente ay ituring na aksidente at hindi sinasadya.
Wala naman umanong naitalang iba pang insidente tulad ng vehicular accidents sa kasagsagan ng pagsalubong ng Bagong Taon.
Ayon kay PLTCOL Mamanao, naging malaking tulong ang mahigpit na pagbabantay ng mga kapulisan katuwang ang iba’t ibang sektor, lalo na sa mga itinalagang firecracker zones at sa mga lugar ng bentahan ng paputok sa four lanes ng lungsod. Mahigpit din ang pagbabantay laban sa paninigarilyo sa mga lugar na may paputok.
Bagama’t mas mataas ang bilang ng firecracker-related injuries ngayong taon kumpara noong nakaraang taon na isa lamang ang naitala, iginiit ng PNP na minor cases lamang ang mga ito.
Patuloy pa rin ang monitoring ng pulisya lalo na sa mga hindi pumutok na paputok na maaaring nagkalat sa mga kalsada madaling araw.
Dagdag pa ng PNP, tuloy-tuloy ang kanilang anti-criminality campaign at police visibility.
Bago pa man magsimula ang holiday season, nagtatag na ang pulisya ng mga police assistance desk sa mga terminal ng sakayan, habang 24/7 din ang pagbabantay ng mga traffic enforcement unit at pulis sa mga national highways upang matiyak ang ligtas na pag-uwi ng mga mamamayan.











