Inanunsyo ni Mayor Caesar Jaycee Dy Jr. na nakalaan na ang pondo para sa pagpapagawa ng mga sirang kalsada patungong West Tabacal Region.
Ipinahayag ito ni Mayor Dy sa isinagawang Public Consultation ng Sangguniang Panlalawigan ng Isabela sa Cauayan City, matapos magtanong si Brgy. Captain Dennis Dela Cruz ng Buena Suerte hinggil sa update sa naturang provincial road, na matagal nang inaabangan ng mga residente.
Ayon kay Mayor Dy, may nakalaan nang ₱50 milyon na pondo para sa rehabilitasyon ng kalsada mula Brgy. Labinab hanggang Sta. Luciana, na bahagi ng mas malawak na planong pagbutihin ang accessibility at connectivity ng mga barangay sa West Tabacal Region.
Ipinaliwanag niya na kasalukuyan nang nasa bidding process ang proyekto, ngunit nagkaroon ng kaunting pagkaantala dahil sa mga nagdaang kalamidad na nakaapekto sa operasyon at pagproseso ng pondo sa pambansang pamahalaan. Gayunpaman, tiniyak niya na maihahabol ang implementasyon bago matapos ang 2025 upang masimulan agad ang konstruksyon.
Bukod dito, inihayag din ni Mayor Dy na papalitan na ang mga luma at mahihinang streetlights sa East at West Tabacal Region. Aniya, ilalagay ang mas malakas, mas matibay, at mas energy-efficient na ilaw upang mapabuti ang seguridad at visibility sa lugar.
Tiniyak ng alkalde na prayoridad ng lokal na pamahalaan ang mga proyektong pang-imprastraktura na direktang nakaaapekto sa kaligtasan at pag-unlad ng mga residente.











