CAUAYAN CITY – Nasa limampung bahagdan nang tapos ang pagsasaayos sa approach ng Alicaocao Overflow Bridge sa Cauayan City.
Matatandaan na noong ika-19 ng Agosto ay pansamantalang isinara ang ilang bahagi ng tulay kung saan one-way na lamang ang pwedeng daanan para bigyang daan ang rehabilitasyon nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Order and Safety Division Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na batay sa kanilang pagtaya ay maaaring matapos ang konstruksyon sa unang linggo o sa kalagitnaan ng Setyembre.
Kapag natapos na ang rehabilitasyon ay ipagbabawal na ang pagdaan sa tulay ng mga mabibigat na sasakyan.
Nilinaw nito na limitado lamang dapat sa 10 tons ang bigat ng mga sasakyang bumabaybay sa tulay para hindi ito bumigay.
Dahil dito ay plano naman niyang magsumite ng request sa Sangguniang Panlungsod upang limitahan ang oras ng pagbubukas ng tulay dahil hindi na namomonitor ang dumadaan pagsapit ng gabi.