--Ads--

Nananatiling prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalakas ng coconut industry, ayon sa Malacañang.

Kaya kabilang ang panukalang pag-amyenda sa Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act sa 21 priority bills na target maipasa bago matapos ang Hunyo, batay sa napagkasunduan sa LEDAC meeting.

Sinabi ng Palace Press Office na layunin ng Pangulo na matulungan ang mga magniniyog upang mapataas ang produksiyon at export ng niyog, kung saan pangalawa ang Pilipinas sa pinakamalaking exporter sa mundo.

Dati nang nangunguna ang bansa sa pag-export ng niyog ngunit nalampasan ng Indonesia dahil sa pagtanda ng mga puno, paghina ng ani, at pinsalang dulot ng Bagyong Yolanda.

--Ads--

Inaasahang makatutulong ang pag-amyenda sa batas upang mapalakas ang kita ng mga magsasaka, kasabay ng planong pagtatanim ng 100 milyong puno hanggang 2028 sa ilalim ng Massive Coconut Replanting Project ng Philippine Coconut Authority.