
CAUAYAN CITY – Ikinatuwa ng pamunuan ng Cauayan City National High School ang tuluyan ng pagsasabatas ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Republic Act 11476 o GMRC and Values Education Act.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Primitivo Gorospe, punong-guro ng Cauayan City National High School, sinabi niya na malaki ang maitutulong ng batas na ito para sa pagkakahubog ng pagkatao ng mga mag-aaral kaya masaya sila dahil pinirmahan ito ng pangulo.
Aniya, nararapat lamang na magkaroon ng oras para sa asignaturang ito at nang malaman ng mga mag-aaral na ang pagpapahalaga ay hindi dapat mapag-iwanan kahit nasa panahon na ngayon ang mundo sa pagsulong sa teknolohiya.
Ang batas na ito aniya ay binibigyan ng halaga ang Good Manners and Right Conduct (GMRC) at Values Education bilang isang mahalagang aralin na kailangang mabigyan ng pansin.
Idinagdag pa nito na hindi naman mahihirapan ang mga mag-aaral sa pagbabalik sa GMRC bilang isang asignatura dahil bahagi na ito ng pagkamulat ng isang tao habang lumalaki.
Ayon kay Dr. Gorospe, kailangan na kailangan ito ngayon at dapat lamang na huwag itong alisin sa curriculum dahil ito ang maglalapit sa bawat tao para magkaisa.
Aniya, sa lahat ng mga asignatura ngayon pinakamahalaga pa rin ang ang pagtuturo sa magandang asal dahil aanhin aniya ang katalinuhan kung hindi naman maganda ang pag-uugali.










