--Ads--

CAUAYAN CITY- Natuklasan ng isang Filipino PhD student na may kakayahang baguhin ng nanoplastics ang microbiome o mikrobyong natural na nasa katawan ng Daphnia magna, isang uri ng invertebrate na karaniwang ginagamit bilang model organism sa mga siyentipikong pag-aaral. Ang pagbabagong ito ay maaaring magdulot ng mas mataas na panganib sa sakit para sa mga nilalang na ito.

Ang pag-aaral ay pinamagatang “Nanoplastics diversify and reshape Daphnia microbiomes in parasite-infected and uninfected hosts” at nai-publish kamakailan sa isang international research platform.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vanderville Villegas, may-akda ng naturang pag-aaral, ibinahagi niya na umabot sa isang taon at kalahati ang aktwal na pananaliksik, at karagdagang anim na buwan para maisapubliko ito. Isa sa mga pinakamahihirap na bahagi raw ng proseso ang pag-aaral ng DNA extraction at sequencing, gayundin ang pagsasagawa ng malalim na pagsusuri bago tuluyang masimulan ang proyekto.

Ayon kay Villegas, matagal nang kinakaharap na suliranin ang polusyon mula sa plastik, at lalong nababahala ang mga siyentipiko sa pagdami ng nanoplastics sa kapaligiran. May mga naunang pag-aaral na nagpapakitang ang ganitong uri ng plastik ay natatagpuan na rin sa dugo at utak ng tao, dahilan upang palalimin pa ang pag-unawa rito.

--Ads--

Sa kasalukuyan, may kooperasyon na si Villegas sa mga siyentipiko mula Belgium, Netherlands, at Estados Unidos upang higit pang mapaunlad ang mga eksperimento at pag-aaral kaugnay ng nanoplastics.

Binigyang-diin ni Villegas na ang paglutas sa problema ng plastic pollution ay hindi lamang responsibilidad ng mga scientist. Aniya, bawat isa ay may papel na ginagampanan, gaya ng pagbawas sa paggamit ng plastik, pag-recycle, at pag-reuse bilang mga simpleng hakbang tungo sa makabuluhang pagbabago.