Normal lamang umano na may magsampa ng disbarment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Matatandaan na naghain ng disbarment case sa Korte Suprema nitong Miyerkules si Presidential Adviser for Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon laban kay Vice President Sara Duterte upang matanggalan ito ng lisensiya bilang abogado.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst at constitutionalist, sinabi niya na isang Abogado ang Bise Presidente at hindi akma ang mga ikinikilos nito sa mga nagdaang araw.
Sa tingin naman niya ay tatanggapin ng korte suprema ang naturang kaso at bubusisiin upang matukoy kung may nalabag ba si VP Sara sa kanilang code of ethics at upang mapagpaliwanag ang naturang opisyal.
Aniya, may posibilidad naman na hindi disbarment ang maipataw sa kaniya kundi maaaring suspension o sensure depende sa mapag-usapan ng korte.
Ngunit pasok aniya sa grounds for disbarment ang ginawang pagmumura ni VP Sara at pagbabanta sa buhay ng Pangulo.
Ayon kay Atty. Yusingco, kapag na-disbar ang isang Abogado ay mawawalan na ng bisa ang kaniyang pagiging abogado dahilan upang hindi na siya pwedeng humarap sa korte at humanap sa kliyente.