Naniniwala ang isang human rights lawyer na ang isinampang kaso laban sa isang pulis na nagpahayag ng kaniyang pagtutol sa naging hakbang ni Pangulong Ferdinand Marcos sa pag-aresto kay Dating Pangulong Rodrigo Duterte at pagsuko sa kaniya sa International Criminal Court na isang matapang na mensahe ng Philippine National Police na manatiling neural at apolitical sa kabila ng tensyong politika ngayon sa Bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo Egon Cayosa isang human rights lawyer na hindi dahil may naisampang kaso ay guilty na.
Aniya may ilang elements na kinakailangan parang ma establish ang kasong inciting to sedition.
Aniya ang mga public pronouncement na isang opiniyon ay maituturing na malayang pamamahayag o freedom of expression maliban kung ang purpose nito ay hayagang ilahad ang kaniyang pagnanais na hindi sundin o tahasang pagtutol na tumalima sa Chief Executive at commander in chief bilang miyembro ng Philippine National Police o isang public servant.
Giit ni Atty. Cayosa na matutukoy lamang ito kung ang judiciary ang mag papasya sa pagkakamali ng naturang pulis gayunman bilang empleyado ng Pamahalaan o kaya bilang public servant ay nararapat na alam mo ang chain of command kung saan ang commander in chief na iniluklok ng taumbayan bilang Pangulo ng Bansa ay may direct supervision sa PNP.
Aniya nararapat lamang na ang subordinates ay sumunod, sang-ayon man sila o hindi sa kanilang mga nakakataas bilang empleyado at ang bagay na ito ay hindi lamang dapat inoobserbahan sa Pamahalaan maging sa pribadong mga kumpaniya bilang isang uri ng disiplina.
Matatandaan na sinampahan ng Quezon City Police District (QCPD) ng reklamong inciting to sedition ang isang pulis na nag-viral online dahil sa kaniyang partisan remarks matapos ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nilabag umano ng pulis na si Patrolman Francis Steve Tallion Fontillas ang Article 142 ng Revised Penal Code in relation to the Cybercrime Prevention Act of 2012.
Sa nauna kasing mga video post ni Fontillas, kaniyang kinuwestyon ang pagbabawal sa kanilang mga pulis na magpost, mag-share at magkomento kaugnay sa naging pag-aresto kamakailan sa dating Pangulo. Binanatan din niya ang mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) partikular na si General Nicolas Torre III at Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nagpaalala naman ang QCPD sa mga personnel nito na dapat manatiling apolitical at non-partisan sa lahat ng pagkakataon at dapat na iwasang mag-post ng mga hindi awtorisado at biased contents sa social media at iba pang communication platforms.











