CAUAYAN CITY – Ipagbabawal na sa Kasibu, Nueva Vizcaya ang pagsayaw ng sweet dance at ang pagsasayaw na may pagiling-giling sa mga hindi mag-asawa.
Ito ang nilalaman ng Executive Order na inilabas ni Kasibu Mayor Romeo Tayaban.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Tayaban na ang mga ganitong uri ng sayaw ay hindi kagiliw-giliw sa mata ng Diyos at madalas na pag-ugatan ng krimen.
Aniya, ang mga sweet dance ay halos magdikit na ang katawan ng babae at lalake at ang mga may pagiling-giling na sayaw na umiindayog ang bewang ng isang mananayaw ay may bahid umanong kalaswaan.
Ipagbabawal din ang pagsayaw ng budots na patok sa mga kabataan.
Batid umano ni Mayor Tayaban na posibleng maraming kabataan ang magagalit sa kanyang kautusan subalit nanindigan siya na hindi lang niya ito kagustuhan kundi ito ay para sa kaaya-ayang paningin ng Diyos.
Sinabi niya na ang hindi kaaya-ayang gawain sa mata ng Diyos ay maaring maging dahilan ng pagdating ng mga kalamidad at pandemya.
Dagdag pa niya na dapat ibalik ang mga tradisyonal na sayaw na hindi naghahawakan ang mga hindi mag-asawa.
Aniya, responsibilidad ng mga magulang na ituro ang ganitong uri ng kaugalian sa kanilang mga anak.
Ang tanging hangad lang umano ng Punong Bayan ay mailigtas ang mga mamamayan sa posibleng parusa na ibigay ng Diyos.