--Ads--

CAUAYAN CITY – Pansamantalang itinigil ng pamahalaang panlalawigan ng Quirino ang pagsundo sa mga Locally Stranded Individuals (LSI) sa Kalakhang Maynila at CALABARZON sa nakaraang dalawang linggo dahil sa pagsailalim sa mga naturang lugar sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Joe Baltazar, head ng operation and warning section ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Quirino, sinabi niya na kasabay ng  pagsailailam sa NCR at CALABARZON sa MECQ ay naantala rin ang kanilang pagsundo sa mga LSI sa mga naturang lugar.

Gayunman ay tuluy-tuloy pa rin ang pagsundo nila sa ibang lugar gaya sa Nueva Ecija at Pangasinan.

Aniya, sa mga dumarating na galing sa high risk areas ay nakikipag-ugnayan sila sa mga opisyal sa lugar kung saan sila uuwi para makapaghanda ng isolation facility o di kaya ay tingnan ang bahay ng LSI kung puwedeng doon sila sumaiallim sa quarantine.

--Ads--

Ayon kay Ginoong Baltazar, suliranin  ng ibang gustong umuwi ang pagkuha ng travel authority lalo na kung nagpatupad ng lockdown ang kinaroroonan nilang lugar.

Dahil dito, mangilan-ngilan na lamang ang gustong umuwi sa kanilang lalawigan bukod pa sa takot nilang mahawa sa virus gayundin ang nalalapit ng pagsisimula ng klase.

Sa kabuuan ay mayroon na silang mahigit 2,900 ang natulungan nilang makauwi.

Sinabi pa ni Ginoong Baltazar na bukod sa mga LSI ay tinutulungan din nilang makapunta sa kanilang trabaho ang kanilang mga kababayan na nagtatrabaho sa ibang lugar.

Aniya, isinasabay na nila ang mga ito sa tuwing sila ay magsusundo basta kumpleto ang kanilang dokumento.

Ang pahayag ni Ginoong Joe Baltazar.