--Ads--

CAUAYAN CITY- Patuloy na nananatiling mapayapa ang bayan ng Jones, Isabela mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon, ayon sa Jones Police Station.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLT Gaylord Clemente, Deputy Chief of Police for Operations, na nakapagtala lamang sila ng 29 na insidente ng krimen sa nasabing panahon, maliban sa ilang mga isolated cases.

Aniya malaking tulong ang mga programa at patakaran ng lokal na pamahalaan ng Jones at ng Philippine National Police (PNP) sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa lugar.

Bilang bahagi ng patuloy na kampanya kontra iligal na droga, pinaigting ng PNP Jones ang kanilang pagbabantay, partikular sa mga indibidwal na dating nasangkot sa Oplan Tokhang at sa mga bagong tukoy na drug personalities.

--Ads--

Ang layunin ng kanilang operasyon ay mapanatili ang LGU Jones at PNP Jones bilang Drug-Free Workplace, ayon pa kay Clemente.


Samantala, abala rin ang Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Jones Police Station sa pagsusulong ng karapatan ng kababaihan at kabataan.

Ipinahayag ni PMSG Mary Ann Nicolas, WCPD PNCO, na nagsasagawa sila ng serye ng mga barangay dialogues katuwang ang iba’t ibang advocacy groups. Layunin ng mga ito na palakasin ang kaalaman ng komunidad sa Anti-Violence Against Women and Children (Anti-VAWC).

Wika ni Nicolas, sa kasalukuyan ay wala pang naitatalang kaso ng pangaabuso sa bayan ng Jones, Isabela.