Nagbabala ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng Diffun, Quirino sa mga magsasaka na iwasan ang pagsusunog ng corn stalks upang maiwasan ang posibleng sunog sa kanilang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO3 Jonathan Agustin, Officer-in-Charge ng BFP Diffun Fire Station, sinabi nito na ang pagsusunog ng tuyong damo at corn stalks ay maaaring magdulot ng mabilis na pagkalat ng apoy, lalo na sa panahon ng matinding init.
Gayunman, kinikilala ng BFP na may ilang magsasaka na gumagamit ng pagsusunog bilang bahagi ng paghahanda ng kanilang sakahan.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga ito na kung hindi maiiwasan ang naturang gawain, tiyakin na ito ay isasagawa sa bandang hapon kung kailan hindi na gaanong mainit ang panahon.
Dagdag pa ni SFO3 Agustin, mahalagang kontrolado ang apoy at may sapat na pagbabantay upang maiwasan ang pagkalat nito sa kalapit na lugar at kabahayan.
Samantala, pinaiigting naman ng BFP Diffun ang kanilang information drive sa mga komunidad upang maipaalam sa publiko ang mga hakbang sa pag-iwas sa sunog at ang kahalagahan ng responsableng pagsasagawa ng mga gawaing maaaring magdulot ng panganib.
Patuloy ang panawagan ng awtoridad sa mga residente na makiisa at sumunod sa mga alituntunin upang mapanatili ang kaligtasan ng komunidad laban sa sunog.











