--Ads--

Mahigpit na ipatutupad ang pagbabawal sa mga motorista na magsuot ng nutshell helmet o bicycle helmet sa lungsod ng Cauayan.

Alinsunod ito sa RA 10054 o ang Motorcycle Helmet Act of 2009 na dapat ang mga isinusuot lamang na helmet ng mga motorista ay ang full-face standard helmet, maging ang open-face helmet ay binibigyan pa rin ng konsiderasyon basta ito ay may markang Philippine Standard (PS) at Import Commodity Clearance (ICC) at Bureau of Product Standards (BPS).

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Order and Safety Division o POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na napapadalas na ang paggamit ng nutshell helmet batay sa kanilang obserbasyon.

Katwiran aniya ng mga motorista ay malapit lamang ang kanilang pupuntahan kaya ito ang kanilang suot.

--Ads--

Nauunawaan naman aniya ng kanilang hanay na kagustuhan ng mga motoristang magsuot ng helmet kaysa sila ay mahuli dahil sa hindi pagsusuot.

Pagpapaliwanag naman ng Public Order and Safety Division o POSD, ang  driver man o back rider ng motor ay hindi pahihintulutan na magsuot ng nutshell helmet dahil hindi pa rin ito ligtas gamitin.

Bagamat hinuhuli na dati ang mga gumagamit nito lalo na sa National Highway, mas lalo pa aniya nilang paiigtingin ang panghuhuli.

And dapat lamang kasi aniyang magsuot ng nutshell helmet ay ang mga gumagamit ng bisekleta, skateboards, scooters at iba pa na mayroon lamang bilis na 30kph.

Kaugnay nito ay nananawagan naman ang tanggapan na huwag tamarin sa pagsuot ng full face helmet at wag laging umasa sa nutshell helmet na kadalasang ginagamit bilang sumbrero lamang.