--Ads--

CAUAYAN CITY – Asahan na ng mga mamimili ang unti unting pagtaas sa presyo ng karne ng manok at Baboy sa mga pamilihan habang papalapit ang holiday season.

Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG magkakaroon ng unti-unting dagdag presyo sa bawat kilo ng karne ng manok at baboy dahil sa tumataas na presyo ng  farm gate price at Live Weight .

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Eng’r. Rosendo So, Chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG sinabi niya na sa kasalukuyan ay nasa isang daan at walumpung piso ang presyo ng live weight  ng baboy  sa Isabela.

Naglalaro naman sa dalawang daan hanggang dalawang daan at limampung piso kada kilo  ang presyo sa Bulacan.

--Ads--

Dalawandaan at limang piso hanggang dalawandaan at sampung piso sa Southern Luzon, habang isandaan at pitumpung piso hanggang isang daan at pitumpu’t lima piso sa bahagi ng mindanao.

Ang panibagong paggalaw sa presyo ng baboy at manok ay resulta ng walang humpay na pagtaas  ng presyo ng krudo.

Samantala, maliban sa manok at baboy ay aasahan rin ang muling pagtaas sa presyo  ng Isda at itlog.

Ayon kay Eng’r. So sa kasalukuyan ay nasa labing limang piso ang itinaas sa farm gate price sa kada kilo ng bangus at tilapia habang naglalaro naman sa dalawampu’t limang sentimo  kada piraso ng itlog.

Apektado rin ngayon sa tuloy tuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo ang mga magsasakang gumagamit ng pataba o abonong may sangkap na Urea.

Panawagan ngayon ng SINAG  sa pamahalaan ang pagbibigay ng suporta sa mga magsasaka  sa kabila ng tuloy tuloy na pagtaas ng mga produktong agrikultura.

Batay sa pagtaya ng SINAG,  nasa labing siyam na piso bawat kilo ang karagdagang production cost sa mais na katumbas ng pitumpung libong piso sa kada ektarya ng maisan.

Ayon kay Eng’r. So, sa pamamagitan ng pamamahagi ng libreng abono at binhi ng pamahalaan ay mapapababa ang production cost na maaaring magresulta sa mas mababang presyo ng produkto.