Ilang mga service consumer umano ng Cauayan City Water Distict ang nagrereklamo dahil sa pagtaas ng kanilang binabayarang water bill.
Kadalasan itong naitatala ng tanggapan kapag natapos an ang reading at panahon na ng bayaran.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Artemio Quintero, General Manager ng Cauayan City Water District, sinabi niya na ang mga ganitong sitwasyon ang madalasa na eksena sa kanilang opisina.
May pagkakataon din aniya na may ilang mga consumer na naninigaw o nagtataas ng boses sa kanilang mga personnel dahil lamang sa kanilang water bill.
Paliwanag naman ni Engr. Quintero, may ilang dahilan kung baki tumataas ang water bill ng isang consumer — una ay ang pagkakaroon ng leak sa linya ng tubig o kaya ay sa metro na agad namang sinusuri ng tanggapan at binibigyan ng discount ang mga consumer kung sakali mang ito ang kadahilanan.
Marami kasi umano sa mga consumer ang bumibili ng substandard na kagamitan para sa kanilang metro na madalas ay mabilis lamang masira na nagreresulta kung bakit tumataas ang kanilang bill.
Isa pa sa mga dahilan ay ang mga consumer na mayroong mga pinauupahang apartment na pinipiling isang water meter lamang ang ilagay sa buong pasilidad at hindi kada kwarto.
Madalas kasi umanong nagiging aksaya sa tubig ang mga tenants kung hindi nila sarili ang metro.










