Nagdulot ng matinding trapiko ang pagtagilid ng Elf Truck na may hila-hilang Reaper Harvester sa approach ng Alicaocao Overflow Bridge sa Lungsod ng Cauayan.
Ang Elf truck at Reaper ay galing umano sa Forest Region ng Cauayan City dahil mayroon itong inaning palay doon.
Nang makarating ito sa approach ng tulay partikular sa pataas na bahagi ay nahirapan itong umakyat kaya mawalan umano ng kontrol ang tsuper nito at tumagilid.
Sinikap naman umanong tulungan ng isang dump truck ang elf truck sa pamamagitan ng paghila rito ngunit dahil sa nawalan na ng preno ang Elf ay bumangga ito sa likurang bahagi ng dump truck na nagdulot ng pagkabasag ng windshield nito.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga residente ay nagawa ring mai-alis ang mga sangkot na sasakyan sa pagkaka-hambalang nito sa daan kaya naibalik din sa normal ang daloy ng trapiko sa lugar makalipas ang mahigit isang oras.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Mauro Flores ng Barangay Alicaocao, Cauayan City, sinabi niya na wala namang nasaktan sa insidente at bagama’t maraming mga motorista ang nakasunod dito bago ang pangyayari ay wala naman umanong ibang nadamay pa.











