CAUAYAN CITY – Pakikinabangan na ng mga biyahero ng agricultural products ang pagtatanggal sa mga babayarang toll fees ng kanilang mga sasakyan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Rose Mary Aquino ng Department of Agriculture Region 2 kanyang sinabi na epektibo na ang programa ngayong buwan ng Hunyo.
Aniya sa ngayon ay apatnapu’t isang sasakyan na accredited ng DA Region 2 ang nakikinabang sa toll rebates.
Ngunit inaasahan ng ahensya na madadagdagan pa ito kung sakaling malaman na ng mga biyahero ang programa at nakahanda naman umano silang mag-accredit ng mga sasakyan.
Kinakailangan lamang umano ng mga biyahero na magpakita ng mga dokumento, pagkatapos sila ay sasailalim sa evaluation bago sila tuluyang makalibre ng toll fees.
Inaasahan naman na makakaapekto ito sa presyo ng pagbili ng mga biyahero ng mga produkto lalo’t malaki ang mababawas sa kanilang gastusin.